Bilog Ako
Sunday, November 23rd, 2008Nangangalkal ako ng mga lumang files ko sa PC, at natagpuan ko ang ilan sa mga isinulat ko nuong may hilig, may panahon at may inspirasyon pa akong lumikha ng mga kung anu-anong potpotry (yan ang tawag ko sa mga obra kong nagfi-feeling poetry)… At eto ang isa sa kanila, nalikha nuong Dec 30, 2001. Hindi ko alam kung gaano ninyo ma-ti-trip-an, o kung ma-ge-gets man ninyo. Bahala na kayong mag-interpret. Pwede rin kayong gumawa ng reaction paper, at i-post nyo na lang sa comments. Ang may pinakamagandang i-submit, magkakaroon ng premyo ngayong pasko.
December 30, 2001
Ang bilog. Mabilog. Bilugan. Bilug-bilog. Libo-libong araw na bilog.
Bilog. Bilog na mukha. Bilog na tiyan. Bilog na ulo. Bilog na buwan. Bilog na hubog ng buntis. Bilog na patak ng luha sa papel. Bilog na suso. Bilog na puwet. Bilog na patuloy ang ikot, bilog na nakahihilo. Hinto.
Bakit? Bakit pabilog ang hulma ko? Hindi naman ako dapat bola ha? Bilog daw ang araw, ang buwan, ang mundo medyo, pero ako… dapat din ba ako maging bilugan? Palaging bilugan.
Walang kanto. Hindi mapatigil. Walang katapusan. Puros kurbada. Swabe. Makinis. Nakabaluktot subalit hindi nawawasak. Solido pero malambot ang kalooban. Kapag ikinabit sa iba, nagiging parte ng buong sistema ng isa. Kita ng bilog ang lahat ng nangyayari sa kanyang sarili at sa kanyang paligid. Walang kantong nakatakip. Buo. Sarado.
Maganda rin ang pagiging bilog ngayon, bukas, hanggang sa katapusan ng bilog… kung may makatagpo man noon.
–kcg